Sitio LongosAlaminos City, Pangasinan — Ang pag-angat ng isang komunidad ay makikita sa kung paano umunlad ang mga mamamayan na nasa laylayan nito. Ito ang isang realidad na aking napagtanto sa aking pag-iikot sa mga bayan na kabilang sa programang “Early Childhood Care and Development in the First 1000 Days (ECCD-F1K)”.

Sa pakikipagtulungan nina CNAO Virginia Francisco, Aquaculturist Gelbert Rabadon, presidente ng BNS Federation Officers Linda Dizon, Kapitan Joffrey Enriquez at BNS Dory Enriquez, kami ay nagtungo sa Sitio Longos, Barangay Pangapisan, Alaminos City noong May 18, 2017 para tignan ang kalagayan ng mga napiling benepisyaryo ng Food Production Project ng programang ECCD-F1K. Sa pagsisimula ng implementasyon ng programa, napagtuunang pansin ang Sitio Longos sa Barangay Pangapisan dahil sa mataas na bilang ng mga batang bansot.

Ang Sitio Longos ay isa sa mga bahagi ng Barangay Pangapisan sa siyudad ng Alaminos na nasa tabing dagat. Sa paglipas ng taon, parami ng parami ang populasyon ng Sitio Longos, ngunit kasabay nito ang pagtaas ng bilang ng malnutrisyon. Karamihan sa mga naninirahan dito ay galing sa mga karatig-bayan at ang pangunahing pamumuhay nila ay ang pangingisda at pag-aasin. Bukod sa kahirapan, kabilang din sa mga problema ng lugar na ito ang kalinisan at pagkakaiba ng paniniwala at kultura.

Ayon sa resulta ng Operation Timbang Plus noong 2016, naitala ng siyudad ang 967 o 8.89% na batang bansot (0-5 taong gulang) mula sa 10, 876 na natimbang. Pumapangalawa ang Barangay Pangapisan sa limang barangay na may pinakamataas na bilang ng mga batang bansot. Naitala sa barangay na ito na kinabibilangan ng Sitio Longos ang 74 na batang bansot at iba pa ang 8 malubhang bansot.

Ayon kay City Aquaculturist Gelbert Rabadon, marami nang naisagawang proyekto ang siyudad sa lugar na ito ngunit bahagya lamang ang pag-unlad nito. Sa kabutihang palad, mayroong isinasagawang proyektong pabahay na sinimulan noong nakaraang taon. Ipapamahagi na ngayong taon ang mga bagong gawang bahay at bakuran na pagtatamnan ng mga gulay at puno ng mga benepisyaryo.

Ang programang ECCD-F1K ay magkakaroon din ng proyektong pang-agrikultura at pangkabuhayan katulad ng pagbibigay ng mga buto ng gulay at punla ng puno at pag-aalaga ng itik. Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Alaminos na magsisilbi itong hudyat para mas mapagtibay ang kapasidad na pang-ekonomiya ng mga pamilya dito.

Nagpasalamat din si Mayor Arthur Celeste sa suporta ng National Nutrition Council. Sa pamamagitan ng ECCD F1K, naniniwala si CNAO Francisco na madadagdagan ang kita ng mga pamilya dito ng isang libo kada buwan at magkakaroon din sila ng karagdagang pagkain sa hapag-kainan. Bukod dito, pagtitibayin ang edukasyon ng mga magulang lalo na sa eksklusibong pagpapasuso at tamang pamamaraan ng pagpapakain sa kanilang mga anak.

Sa aming pag-uwi, baon namin ang isang hamon sa lokal na pamahalaan at mamamayan: Paano mapapabago ang kaisipan, pag-uugali at mga nakasanayan nang hindi angkop na gawain upang tangkilikin at maging matagumpay ang programang ECCD F1K?/AFSR