lola berta articleMayo 15 – Maraming pa ring mga opportunidad sa gitna ng krisis. Isa na rito ang pagtatanim ng gulay sa bakuran para lalo tayong maging malusog at maunlad at matugunan ang kakulangan sa pagkain at kahirapan sa panahon ng ECQ. Ito ay magpapatunay na sipag, tiyaga at pagkamalikhain lang ang kailangan kahit limitado ang bawat galaw ng mga tao kung saan karamihan ay hindi makapag hanapbuhay.

Kaya naman, sa panglabing-isa (11) sa Advisory No. 2 ng National Nutrition Cluster, isinusulong ng mga Local Government Units (LGUs) sa kanilang mga nasasakupan, ang pagkakaroon ng home gardens o “Gulayan sa Bakuran.” Ito ay upang magkaroon ang bawat pamilya ng pagkukuhaan ng sariwa at masusustanyang gulay at upang mabawasan ang kanilang gastos sa pagkain. Ang mga LGUs ay mamimigay rin ng mga buto o punla ng mga gulay na madaling magbunga.

Para sa isang 79 taong gulang na si Roberta Castillo o Lola Berta (na taga Barangay Burol, Calamba City na sakop ng rehiyon ng CaLaBaRZonn) hindi naging balakid ang ECQ sa pagkakaroon nila ng sapat na pagkain sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay sa labas ng kanyang bahay. Sa loob lamang ng dalawang buwan ay may naani na siyang mga bunga ng ampalaya, sitaw, kamatis at patolang balag galing sa kanyang bakuran.

Nagagamit ni Lola Berta ang mga bagong pitas na gulay bilang karagdagang pagkain ng pamilya sa araw-araw. Ang mga sobrang gulay ay nakakatulong rin upang sila ay may pagkakitaan, sa pamamagitan ng pagbenta nila nito sa kanilang mga kapit bahay na may tindahan. Lumalakas din lalo ang katawan ni Lola Berta dahil libangan at ehersisyo niya ang pagtatanim.

Tulad ni Lola Berta, kahit sino ay pwedeng magsimulang magtanim ng mga prutas at gulay sa kani kanilang tahanan. Hindi naman kailangan na magkaroon ng malaking bakuran para mapagtaniman. Siya ay isang magandang huwaran ng mga kabayan niya.

Sabi nga nila “Kapag may itinanim, may aanihin!”. Ang pagkakaroon ng “Gulayan sa Bakuran” ay isang mabisang sandata sa kagutuman at upang mapanatili ang magandang kalusugan.

Ni: Mary Emerene P. Pingol