Sa kauna-unahang pagkakataon, sa ilalim ng pamumuno ng aktibo at “project-oriented” na Mayor ng LGU-Balud, Hon. Rodolfo O. Estrella Jr. nagkaroon ng katuparan ang layunin na magkaroon ng Medikal Misyon sa Brgy. Panguiranan Balud Masbate noong ika-25 ng Hulyo,2022, na itinuon din sa pagdiriwang ng Buwan Ng Nutrisyon. Ito ay hindi lamang pangkaraniwang paghahatid ng programang pangkalusugan at tamang nutrisyon, bagkus ito rin ay ang pagdadala ng serbisyo publiko sa mga tao. Kasabay sa pagdating ng mga gamot, kasama ang buong pwersa ng LGU-Balud;ang kapulisan sa pamumuno ng kanilang hepe. P/Major Reneir J. Teofilo, ang dalawang doctor na sina Dr. Glen Arollado at Dr. Maria Jean Theresa Cornelio, tatlongpu’t dalawang (32) kawani ng RHU, mga hepe ng mga deparmento ng munisipyo, ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan kasama ang Bise Mayor, Hon. Felimon C. Abelita,III na nagkaroon ng “special session” doon mismo sa barangay, at ang “Astig Sa Pagbulig” Mayor Hon. Rodolfo O. Estrella, Jr. kasama ang kanyang butihing kabiyak, Ma’am Vhel Estrella.
Ang Medikal Misyon ay nagsimula sa isang maikling programa na pinangunahan ng napakasipag na Punong- Barangay ng Panguiranan, Hon. Judy A. Nepomuceno kasama ang kanyang magigiting na opisyales at mga tanod. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga hepe ng bawat departamento ng munisipyo na maipaabot sa mga mamamayan ang mga proyekto at programa ng kani-kanilang mga opisina. Binigyang diin ni Bise Mayor Abelita, na isusulong ang paggawa ng mga ordinansa na tuluyan ng matuldukan ang “illegal fishing” at mapangalagaan ang yaman-dagat sa munisipyo ng Balud. Ang programa ay nagtapos sa mensahe ng mahal na punong-bayan Mayor Estrella, na nagpahayag ng kanyang mga pangunahing proyekto at programa sa inprastraktura at turismo na makapagbibigay ng maraming trabaho at malaking kita upang maging daan tungo sa pag-unlad ng bayan ng Balud.
Naging matagumpay ang Medikal Misyon dahil nakapagbigay ito ng serbisyong pangkalusugan sa halos dalawang daan katao sa Brgy. Panguiranan at sa mga karatig barangay nito. Lubos ang kasiyahan nadama ng lahat lalo na ang aktibong Mayor dahil naiparating ng mas malapit ang serbisyo publiko sa mga tao. Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagbigay ng tulong at partisipasyon, at nagpaabot ng mensahe na magiging buwanan na ang paghatig serbisyo ng munisipyo sa mga barangay. Tunay ngang kahanga-hanga ang pagkakaisa ng lahat, na kapag sama-sama, ano mang misyon ay mapagtatagumpayan!
-AA I Vienmae Pasibe, OIC Valeza, NNC RO V
