Noong Biyernes, unang araw ng Hulyo, ay hudyat ng simula ng taunang pagdiriwang ng Nutrition Month na may tema para sa taong ito na “First 1000 Days ni baby pahalagahan para sa malusog na kinabukasan!”
Para sa ika-apatnapu’t dalawang (42) taon ng Nutrition Month, binibigyang-pansin ng ating tema ang First 1000 Days ng buhay na tinuturing sa buong mundo na “golden window of opportunity” upang maabot ng isang bata ang kanyang maximum growth at development potential. Bago man sa ating pandinig ang First 1000 Days, ang konsepto nito ay hindi na talaga bago para sa atin sa Pilipinas.
Ang First 1000 Days ay nag-uumpisa mula unang araw ng pagbubuntis ng isang babae hanggang sa ikalawang birthday ng bata. Sa panahong ito, mabilis ang paglaki ng isang bata at kailangan niya ng sapat na dami ng iba’t ibang sustansiya upang suportahan ang kanyang paglaki at pag-develop. Kung may kakulangan sa nutrisyon sa First 1000 Days, maaaring magdulot ito ng permanente at irreversible damage na stunting, o ang kondisyon kung saan mababa ang height ng isang bata para sa kanyang edad, o mas kilala natin sa tawag na pagiging bansot. Kapag sinabi natin na irreversible, ibig sabihin ay hindi na maaaring mabawi – dala-dala na ng bata ang pagkabansot hanggang sa pagtanda. Ang mga bansot na bata ay nababawasan ng kanilang talino at potensyal para maging produktibo sa kanilang pagtanda. Dagdag din ang panganib na magkaroon ng noncommunicable diseases tulad ng sakit sa puso, kanser at dyabetis.
Sa buong mundo, tinatayang 162 milyong bata ang stunted o bansot; at sa Pilipinas, mula sa pinakahuling datos ng National Nutrition Survey ay 33.4% o isa sa tatlong batang may edad 0-5 years old ang bansot. Noong 2012, pinagkasunduan ng World Health Assembly, kung saan kabilang ang Pilipinas, ang Six Global Nutrition Targets at isa sa mga layunin nito ay sa taong 2025, dapat magkaroon ng 40% na pagbaba sa dami ng mga batang 0-5 years old na bansot. Ibig sabihin, sa taong 2025, dapat ay 20% na lamang ang dami ng mga batang 0-5 years old na bansot sa ating bansa o dalawa sa bawat sampung bata. Isa ang target na ito sa mga kailangan upang makamit natin ang Goal 2 ng Sustainable Development sa 2030 na “end hunger, achieve food security and improved nutrition and promote sustainable agriculture”.
Ang pagsugpo sa stunting ay isang malaking hamon para sa ating bansa. Sa mga nakalipas na taon, naging mabagal ang pagbaba ng prevalence ng stunting sa mga batang edad limang taon pababa. Mula 2003 hanggang 2015, o sa loob ng labingdalawang taon, halos 0.5% lamang ang ibinaba ng paglaganap o prevalence ng stunting, from 33.9% to 33.4%. Kung nais natin makamit ang Global Nutrition Target na sa 2025 ay dapat may 40% reduction sa prevalence ng stunting, kailangan nating mag-doble kayod sa susunod na sampung taon upang tuluyan nang masugpo ang problemang ito sa ating bansa. Mahirap man natin mababawi pa ang kalagayan ng mga bata na kasaluyukan nang stunted, malaki naman ang oportunidad upang mapigilan ito sa mga batang hindi pa ipinapanganak. Ito ang pag-asang binibigay sa atin ng pagkakaroon ng wastong nutrisyon at kalusugan sa First 1000 Days ng buhay.
Ang tungkulin ng pagsugpo sa malnutrisyon, partikular na ang pagkabansot ay hindi lamang dala-dala ng sektor. Lahat tayo, mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, ay may responsibilidad na masiguro ang wastong nutrisyon at kalusugan ng mga buntis, nagpapasusong ina, mga sanggol at bata. Ang ating pagkakaisa at pagtutulungan ang susi upang matiyak natin ang magandang nutrisyon sa first 1000 days at sa hinaharap ay makaranas ang Pilipinas ng malagong ekonomiya dulot ng produktibong mamamayan.
Kaya naman ngayong araw na ito ay atin ding pormal na inilulunsad ang Early Childhood Care and Development Intervention Package for the First 1000 Days o sa pinaikling tawag ay ECCD IP First 1000 Days Program. Ang programang ito ay ipatutupad sa loob ng tatlong taon sa sampung lalawigan ng bansa, kasama na ang Quezon Province, kaya naman ninais naming ganapin ang launching event ng Nutrition Month dito sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon. Ang kagandahan sa lalawigan ng Quezon ay bago pa lamang ipatupad ang ECCD IP First 1000 Days program ay nauna na ito sa pagpapatupad ng Q1K o Quezon’s First 1000 Days of Life Program. Dito ay pinupuri natin si Governor Suarez sa kanyang inisyatibong ito.
Nakapaloob sa ECCD IP/1000 Days ang pagkakaloob ng iba’t ibang serbisyong kailangan ng isang babaeng buntis at ng kanyang magiging anak para matiyak ang maayos at tamang paglaki ng bata sa loob ng 1000 days. Mamaya ay pasisinayaan natin ang mga serbisyong ito sa ating tinatawag na First 1000 Days Triathlon. Mayroon tayong inimbitahang mga buntis at nanay ng mga batang may edad dalawang taon pababa, mula sa lungsod ng Lucena at mga karatig bayan ng Pagbilao, Sariaya at Tayabas, upang masaksihan at matanggap nila ang mga serbisyong ito. Ginagawa natin ang First 1000 Days triathlon upang ipakita at malaman ng nakararaming Pilipino kung ano ang mga sangkap na dapat maibigay sa buntis at sa anak sa loob ng 1000 days.
Tinatawagan ng National Nutrition Council ang iba’t ibang sektor upang gawin ang kani-kanilang mga responsibilidad upang masiguro ang wastong nutrisyon at kalusugan sa First 1000 Days ng buhay.
Bago ako magtapos, hayaan ninyong ilahad ko ang ilang mahalagang mensahe sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon. Unang una, lagi nating tatandaan na ang wastong nutrisyon sa unang isang libong araw ang siyang magbibigay sa isang bata ng malusog at magandang kinabukasan. Pangalawa, itaguyod at suportahan ang nutrisyon ng kababaihan bago mabuntis, habang nagbubuntis, sa kapanganakan, at sa panahon ng pagpapasuso. Pangatlo, itaguyod, suportahan at protektahan natin ang eksklusibong pagpapasuso sa loob ng anim na buwan. Pang-apat, bigyan natin ng karagdagang pagkain ang bata pagsapit ng anim na buwan habang patuloy ang pagpapasuso. At panglima, ang mga programang nutrisyon ay kasama sa iba pang serbisyo sa ilalim ng Early Childhood Care and Development para matiyak ang total development ng mga bata.
Sa aking pagtatapos, hayaan ninyo akong humiram sa mga salita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang inaugural speech, “I now ask everyone, and I mean everyone, to join me as we embark on this crusade for a better and brighter tomorrow.” Halina’t gawin natin ang ating tungkulin upang masiguro ang wastong nutrisyon sa First 1000 Days para sa malusog at masiglang Pilipinas. Tulong-tulong, sama-sama nating pahalagahan ang First 1000 Days ni baby para sa malusog na kinabukasan!”
Maraming salamat at happpy Nutrition Month sa inyong lahat.
Mabuhay tayong lahat!
