Ang conference na ito ay patunay ng patuloy ang suporta ng National Nutrition Council sa mga Barangay Nutrition Scholar sa buong Pilipinas. Sa pakikipagtulungan ng NNC at LuzViMin BNS Federation, Inc. naipagpapatuloy natin itong national conference na ito.

Napapanahon ang national conference na ito dahil kamakailan lamang ay inilunsad ang Philippine Plan of Action for Nutrition 2017-2022 noong May 2 dito rin sa Iloilo City. Mayroon tayong bagong planong pang-nutrisyon para sa buong bansa, kaya naman ang tema ng conference na ito ay “PPAN para sa Bayan, Nutrisyon at Serbisyo”. Gusto niyo ba itong tema ng conference natin? Nakaka-relate ba tayo sa temang ito o relate na relate?

Pinili talaga namin ang tema na iyan kasi sa conference na ito, pag-uusapan natin ang bagong PPAN at kung ano ang mahalagang papel ninyong mga Barangay Nutrition Scholar. Naniniwala ang National Nutrition Council na ang tagumpay ng PPAN ay nakasalalay sa inyong mga BNS. Kaya Bayan, Nutrisyon at Serbisyo ang tema dahil kailangan kayo, mga Barangay Nutrition Scholar ng ating bansa para maiparating ang mga serbisyo para mapabuti ang nutrisyon nating mga Pilipino.

Ang bago sa conference na ito ay gagawa kayo ng inyong indibidwal na action plan bago magtapos ang conference. Sa action plan na ito ay ilalahad ninyo kung paano ninyo isasakatuparan ang mga natutunan ninyo sa conference na ito. Kung baga, susulitin natin ang inyong pagpunta dito para nang sa gayon makikita ng inyong mga pamahalaang lokal na mayroong kabuluhan ang pagpunta ninyo dito at sadyang karapatdapat na ginastusan ang inyong pagbiyahe dito.

Ihatid din ninyo ang pasasalamat ng National Nutrition Council sa patuloy na suporta ng inyong mga Mayor, Punong Barangay, Kagawad, Nutrition Action Officer at District o City Nutrition Program Coordinator, pati na ang inyong mga asawa, anak at pamilya.

Sa conference din na ito ay may mga session tayo para linawin ang mga samu’t-sari ninyong mga tanong tungkol sa nutrisyon at sa inyong papel bilang BNS. Ito kasi ang lumabas sa resulta ng evaluation ng nakaraang conference. So, I hope na gagamitin ninyo ang pagkakataong ito para tayo ay magkalinawagan sa iba’t-iba ninyong concern.

Nais ko ring ipahayag ang magandang balita na yung dating Php15 na monthly travelling allowance mula sa NNC para sa mga BNS ay itinaas na sa Php30 noong 2014, at muling itinaas last year sa Php50. Ngayong 2017, ay muli nating itinaas ng 40% o sa halagang Php70 kada buwan o katumbas ng Php840 sa isang taon. Sa tutuusin, maliit pa iyan, ngunit sa isang banda ay malaki na rin yan kung iisiping nagmula ito sa Php180. Kaya, sa mga BNS na gustong mag-avail ng travel allowance mula sa NNC, ay kausapin ninyo ang inyong Nutrition Action Officer o District/City Nutrition Program Coordinator para makapagrequest na sa NNC. Pero dapat ay walang utang na liquidation ang inyong LGU sa mga nabigay na travelling allowance ng mga nakaraang taon.

May isa pang good news! Binabalangkas ng NNC ang guidelines para sa dagdag na medical and survivorship assistance sa mga BNS. Kung kayo ay naospital ay maari kayong makapagclaim mula sa NNC ng dagdag na tulong pinansiyal. At kung sakali man ay hindi kayo pinalad, ay makakapagclaim ang inyong naiwang beneficiary ng survivorship assistance. Siyempre dapat ay kumpleto ang requirements.

Itong mga dagdag na suporta ay kaunti lamang kumpara sa inaasahan pang tungkulin na gagampanan ninyo sa bagong Philippine Plan of Action for Nutrition. Sa bagong PPAN, may mga dating nutrition programs at mayroon ding bago. Nagtalaga din ang NNC Governing Board ng mataas na target para pababain ang antas ng malnutrisyon sa ating bansa. Dahil dito ay kailangan na maabot natin ang halos lahat ng ating service targets. Kung dati ay ok lang kung hindi makarating sa lahat ang serbisyo, ngayon ay kailangan nating mabigyan ng serbisyo ang lahat lalong lalo na yung mga pamilyang nasa malalayo at mahirap puntahang purok o GIDA.

Kaya naman, lubos na umaasa ang NNC, ang national government at ating mga kababayan sa inyong mga barangay nutrition scholar para maiparating ang nutrition at related services. Kailangan na suyurin ninyo ang lahat ng bahay-bahay para mahanap ang mga malnourished lalong lalo na yung may severe acute malnutrition.

May binubuong panukalang Executive Order ang NNC para sa pag-implementa ng PPAN sa buong bansa na hinahangad natin ay maaprubahan ni Pangulong Duterte sa lalong madaling panahon. Ito ay makatutulong para makumbinsi ang mga Mayor at Punong Barangay na bigyang prayoridad ang nutrition program. Katuwang ng Executive Order na ito ay ang adbokasiya mula sa inyo para magkaroon ng Barangay Nutrition Action Plan na may pondo at maisakatuparan nang naayon sa balangkas ng bagong PPAN.

Kaya sa conference na ito, making kayong mabuti, namnamin ninyo ang bagong PPAN dahil nakasalalay sa inyong mga balikat ang ikatatagumpay ng implementasyon nito. Huwag ninyong bigyang halaga ang mga kung ano-anong mga malilit na bagay dahil may mas mahalaga kayong pakay bilang BNS. Kayo ang katuwang ng NNC, ng iba pang ahensya ng pamahalaan at ng mga lokal na pamahalaan. Ang hiling ko ay sama-sama nating ipatupad ang bagong PPAN para na rin sa kinabukasan nating mga Pilipino at ng ating bansa.

At bago ako magwakas, nais ko kayong lahat na batiin ng Maligayang Nutrition Month. Ano nga ba ang tema ng Nutrition Month? Healthy diet, gawing habit – FOR LIFE! Nawa ay ang mga BNS ang maging ehemplo at instrumento para tuluyang magkaroon ng healthy diet ang lahat ng mga Pilipino.

Magandang umaga sa ating lahat at mabuhay ang mga Barangay Nutrition Scholar!


[1] Delivered during the 4th National Conference of Barangay Nutrition Scholars for Visayas Cluster on 4 July 2017 at Punta Villa Resort, Iloilo City